Ngayong darating na ika-9 ng Mayo magaganap
ang eleksyon na tutukoy sa paroroonan ng ating bansa sa darating na anim na
taon. Bilang kasapi sa sektor ng kabataan, aktibo kaming lumalahok sa pagbabago
ng ating bansa lalo na’t ang kabataan ang siyang may pinakamaraming naitalang
botante- hindi bababa sa 37% ng botante o 20 milyon ang tinatayang bilang.
Dagdag pa dito, bilang mga lider ng mga kabataan sa aming komunidad, kami ay
humihimok sa mga kapwa kabataan na huwag magpapaalipin sa mga bumibili ng boto
sa halip ay pangunahan ang pagboto ng tama dahil ito ay nagpapakita ng ating
malaking partisipasyon para pangunahan ang pagbabago sa ating bansa.
Mula sa hanay ng Liga ng Makabagong Kabataan,
magsusumite kami ng aming pahayag para sa darating na halalan. Humihikayat
din kami sa mga ibang kabataan, gobyerno at ibang sektor na suportahan ang
aming mga hinaing. Bilang isa sa mga botante, iaangat namin ang kakayahan ng
mga kabataan na pumili ng wastong pinuno sa pamamagitan ng mga:
1. Ang hindi
pagboto sa mga kandidato na hindi
inuuna ang kapakanan ng nakakarami.
2. Ang hindi
pagboto sa mga kandidato na hindi
tumutugon sa panlipunang serbisyo kagaya ng libreng edukasyon, libreng
patubig, at renewable na enerhiya.
3. Ang hindi
pagboto sa mga kandidatong umaapak
sa ating mga karapatan.
4. Ang pagsuporta
sa mga kandidatong inuuna sa plataporma
ang mga isyu na kailangan ng agarang sulosyon. Kagaya ng renewable energy, libreng
edukasyon sa mga mahihirap at dagdag na pundo ang mga SUCs, maglaan ng mga
sustinableng trabaho para sa lahat, taasan ang sahod ng mga pribado at pampublikong
empleyado, at isakatuparan ang sapat na sahod para sa mga manggagawa.
5. Ang pagsuporta
sa mga kandidato na bukas ang pag-iisip
para sa mga LGBT at hinihingkayat nito ang mga LGBT na makiisa na tumaguyod sa
pag-unlad ng ating lipunan.
Naniniwala ang Liga ng Makabagong Kabataan na
kung susupotahan natin ang mga nakalatid sa itaas ay magkakaroon tayo ng bagong
lider na siyang pupunla ng solusyon at tutugon sa mga isyu at problema na
kinakaharap ng ating bansa. Naniniwala din ang Liga ng Makabagong Kabataan na
kung palalakasin natin ang puwersa ng mga kabataan at iangat ang kanilang
partisipasyon sa politika, ay magkakaroon tayo ng pag-asa sa ating bayan.
Kabataan! Lumaban! Manindigan! Kumilos!