Saturday, 7 May 2016

Trapo, 'wag iboto!


Ngayong darating na ika-9 ng Mayo magaganap ang eleksyon na tutukoy sa paroroonan ng ating bansa sa darating na anim na taon. Bilang kasapi sa sektor ng kabataan, aktibo kaming lumalahok sa pagbabago ng ating bansa lalo na’t ang kabataan ang siyang may pinakamaraming naitalang botante- hindi bababa sa 37% ng botante o 20 milyon ang tinatayang bilang. Dagdag pa dito, bilang mga lider ng mga kabataan sa aming komunidad, kami ay humihimok sa mga kapwa kabataan na huwag magpapaalipin sa mga bumibili ng boto sa halip ay pangunahan ang pagboto ng tama dahil ito ay nagpapakita ng ating malaking partisipasyon para pangunahan ang pagbabago sa ating bansa.
Mula sa hanay ng Liga ng Makabagong Kabataan, magsusumite kami ng aming pahayag para sa darating na halalan. Humihikayat din kami sa mga ibang kabataan, gobyerno at ibang sektor na suportahan ang aming mga hinaing. Bilang isa sa mga botante, iaangat namin ang kakayahan ng mga kabataan na pumili ng wastong pinuno sa pamamagitan ng mga:
1. Ang hindi pagboto sa mga kandidato na hindi inuuna ang kapakanan ng nakakarami.
2. Ang hindi pagboto sa mga kandidato na hindi tumutugon sa panlipunang serbisyo kagaya ng libreng edukasyon, libreng patubig, at renewable na enerhiya.
3. Ang hindi pagboto sa mga kandidatong umaapak sa ating mga karapatan.
4. Ang pagsuporta sa mga kandidatong inuuna sa plataporma ang mga isyu na kailangan ng agarang sulosyon. Kagaya ng renewable energy, libreng edukasyon sa mga mahihirap at dagdag na pundo ang mga SUCs, maglaan ng mga sustinableng trabaho para sa lahat, taasan ang sahod ng mga pribado at pampublikong empleyado, at isakatuparan ang sapat na sahod para sa mga manggagawa.
5. Ang pagsuporta sa mga kandidato na bukas ang pag-iisip para sa mga LGBT at hinihingkayat nito ang mga LGBT na makiisa na tumaguyod sa pag-unlad ng ating lipunan. 
Naniniwala ang Liga ng Makabagong Kabataan na kung susupotahan natin ang mga nakalatid sa itaas ay magkakaroon tayo ng bagong lider na siyang pupunla ng solusyon at tutugon sa mga isyu at problema na kinakaharap ng ating bansa. Naniniwala din ang Liga ng Makabagong Kabataan na kung palalakasin natin ang puwersa ng mga kabataan at iangat ang kanilang partisipasyon sa politika, ay magkakaroon tayo ng pag-asa sa ating bayan.

Kabataan! Lumaban! Manindigan! Kumilos!

No comments:

Post a Comment