Sa okasyon ng ika-5 SONA ni Presidente Aquino III
Hulyo 28, 2014
Sapat na ang apat na taon upang malantad ang tunay na mukha ng admistrasyong Aquino. Sa likod ng maskara ng reporma para sa “tuwid na daan” ay ang umaalingasaw na amoy ng katiwalian, pandarambong sa bayan, panlilinlang at maka-kapitalistang interes.
Ang iligal na paglustay ng bilyun-bilyong pundo sa ilalim ng Disbursement Acceleration Program (DAP) ay hayagang paglabag sa saligang batas ng Pilipinas. Kaya, kung ang mga sangkot sa anomalya ng PDAF ay hinakot sa kulungan, ang mga sangkot sa DAP ay dapat ding managot sa sambayan.
Maliban sa kurapsyon, sa 4 na taon ng Pangulong Aquino sa pwesto, kapu-punang walang pagbabago sa buhay ng mga Pilipino. Bagamat lumubo ang ekonomiya ng bansa ayon sa mga datos, patuloy pa ring mataas ang antas ng kahirapan na tinatayang pumapalo sa mahigit 22 milyong mamamayan ang mahirap at samantalang mahigit 30 milyon ang walang trabaho. Ayon sa pananaliksik, ang nakinabang sa malaking bahagi ng pag-unlad ng ekonomiya ng bansa ay iilang pamilya lamang habang ang kakarampot na porsyento ay siyang pinaghati-hatian ng mayoryang mamamayan.
Wala ring pagbabago sa pagsagot sa mga pangangailangan ng mga mahihirap na mamamayan. Mabagal pa rin ang usad ng gobyerno sa pagpatupad ng mga programa kaya milyon-milyong mamamayang biktima ng mga kalamidad ang wala pa ring matirhan at hanapbuhay, sa halip ay isinusulong pa ng pamahalaang Aquino ang malawakang pagbenta sa soberenya at yamang likas ng Luzon, Visayas at Mindanao sa mga Korporasyon at dayuhang bansa. Mabagal din ang pamimigay ng lupa at suporta sa mga magsaska at mangingisda na nag-sadlak sa kanila bilang pinakamahirap na mga sector sa lipunan. Kakulangan ng serbisyo pa rin at hindi pagkilala sa mahalagang ambag sa ekonomiya ang danas ng hindi bababa sa 12 Milyong OFWs. Sa kabila nito, walang habas ang pagtaas ng mga presyo ng mga pangunahing bilihin merkado na siyang lalong nagpalugmok sa mga mamamayan. Patuloy din ang pagtaas ng mga matrikula at babayarin sa mga paaralan na kung saan kumakailan lang 244 na mga pribadong paaralan sa elementarya at hayskul ay pinayagan ng Department of Education na dagdadan ang tuition fee samantalang 287 unibersidad at kolehiyo naman ang pinayagan ng Commission Higher on Education. Kitang kita din ang kakulangan ng suporta ng gobyerno sa usaping pangkalusugan at transportasyon.
Wala ding pagbabago sa kalakaran at negosyo sa pagpapatupad ng serbisyong sosyal. Sa ilalim ng administrasyong Aquino, hayagan din ang praybitisasyon ng mga serbisyong sosyal sa ilalim ng Private Partnership Program. Ang pagnenesgosyo na siyang naging sanhi ng problema sa suplay ng kuryente ay tinugunan ng mas malawak pang pagnenesgosyo nito. Ang haka-hakang kukulangin ang suplay ng kuryente sa 2015 ay nagbibigay daan upang madeklara ni Pangulong Aquino ang State of Emergency. Nakikitang ito ay mas lalo pang magpapalawak sa papel ng mga pribadong kompanya na uling ang pambala sa mga planta sa pagsagot sa pinangangambahang krisis sa kuryente. Dahil dito ang Pilipinas na ang kampyon sa pinakamahal na singil sa kuryente sa buong Asya.
Patuloy ang mga pamamaslang sa mga lider-komunidad at organisayong nagsusulong sa karapatan at kapakanan ng mga maralita’t mahihirap at maging ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga pinaslang na mga mamamahayag at kay kupad ng pagbigay ng hustisya.
Ang usaping pangkapayapaan ay hamak na ginagamit lamang upang mas iangat ang popularidad ng administrasyon at interes ng mga Kapitalistang bansa’t korporasyon ay ang hayag na balangkas ng pamahalaan at hindi ang sinserong pagtugon sa karapatan sa Sariling Pagpapasya ng Mamamayang Lumad at Bangsamoro sa Mindanao.
Sa makatuwid, walang pagbabago dahil baluktot pa rin ang daang tinahak ng Administrasyong Aquino. Palayasin na lahat ang nasa pwesto at ang Pamahalaan ng mga Mamamayan ay Itayo!
---------
Ranaw Tri-people Movement for Genuine Peace and Development (RTMGPD)
Alyansa sa mga Kabus sa Lungsod ug Siyuda (AKLAS)
Liga ng Makabagong Kabataan (LMK)
Kilusang Maralita sa Kanayunan (KILOS KA)
Demokratikong Kulusang Magbubukid ng Pilipinas (DKMP)-Lanao
Alyansa ng Kabataang Mindanao para sa Kapayapaan (AKMK)
Lanao Fisheries Advocacy Network (LFAN)
No comments:
Post a Comment