Wednesday, 11 June 2014

LMK Iligan at Marawi City lalahok sa mga Pagkilos para sa Kalayaan laban sa Kurapsyon

Matapos ang desisyon ng mga kilusan at organisasyon sa Iligan at Marawi City na lalahok sa mga pagkilos sa iba't-ibang panig ng Pilipinas ngayong ika-12 ng Hunyo 2014 bilang pagpapakita ng pagkamuhi nito sa Kurapsyon at pagkilos upang maging malaya dito at sa pananamantala't kahirapan ay abala na ang lahat sa preparasyon at iba pang gawain tungo sa nasabing araw.

Dahil sa ang araw na ito ay ang pagdiriwang ng pamahalaan sa araw umano ng kalayaan mula sa dayuhang pananakop ay nais iparating ng mga progresibong grupo't mga mamamayan ang kanilang diskontento at mga panawagan sa mga kapwa mamamayan at sa mismong pamahalaan. Nakikita natin ito na litaw at walang esensyang kalayaan dahil mas nalugmok pa sa kawalan ang taumbayan sa pamamayagpag ng Kapitalistang Demokrasya na naghahari.

Batid ng lahat ang usad-pagong na imbestigasyon sa kasong bilyones na kurapsyon at tila ba namimili ng masasagasaan ang "tuwid na daan" ng administrasyong Noynoy Aquino (P-Noy), kaya ang sigaw ng mga kilusa't mamayan ay IKULONG na ang LAHAT na SANGKOT!

Ang Liga Ng Makabagong Kabataan ay makikiisa rin sa mga pagkilos na ito dala ang adyendang PALAYAIN ang SANGKATAUHAN at KALIKASAN mula sa KAPITALISMONG PAGHAHARI at PANDAYIN na ang EKOSOSYALISMONG BALANGKAS sa Ekonomiya, Politika at Kultura.

Panawagan lalo pa ng LMK na palayain ang hanay ng kabataan mula sa karahasan sa loob ng mga paaralan at sa pagsasapribado ng mga panlipunang serbisyo lalo na ang edukasyon, sa halip ay gawin itong prayoridad at taasan ng pundo.

Dagdag pa, nais ding ipanawagan ng LMK at mga kasamang kilusan na SUPORTAHAN ang Pakikibaka sa Sariling Pagpapasya ng Bangsamoro na hindi yuyurak sa Karapatan ng Mamamayang Lumad at Pilipino.

Hinihikayat natin ang lahat ng uring inaapi't manggagawa na lumahok sa mga pagkilos para sa Kalayaan mula sa Kahirapan, Kurapsyon at Pananamantala!

Ngayong Hunyo 12, 2014
Sa Iligan City Post Office
2.30 ng Hapon

KABATAAN, LUMABAN! MANINDIGAN! KUMILOS!

Liga ng Makabagong Kabataan
Iligan and Marawi City
lmkabataan@yahoo.com.ph
10 June 2014

No comments:

Post a Comment