Itigil ang Panunupil sa mga Katutubong Lider at Pamayanan!
Itigil ang Pag-agaw ng aming Karapatan sa Pagkontrol at Soberinya sa aming Lupaing Ninuno at Likas naYaman!
Panawagan ng mga Lumad sa ika-18 Anibersaryo ng Indigenous Peoples’ Rights Act (IPRA)
Oktubre 29, 2015
Kaming mga kasapi ng Katawhang Lumad - Council of People’s Representatives ng Mindanao Peoples’ Peace Movement (MPPM KL-CPR), na nagmula sa mga tribung Agusan Manobo, B’laan, Banwaon, Dulangan Manobo, Erumanen nu Menuvu, Higaonon, Kulamanen, Lambangian, Mamanwa, Manobo Lapaknon, Matigsalog, Obu Manovu, T’boli, Tagakaulo, Talaandig, Tinananen, Teduray, Subanen, at Surigao Manobo ay labis na nababahala sa patuloy na pananamantala at panunupil sa aming mga karapatan ng mga pwersa ng gobyerno, rebolusyonaryong grupo, politiko, at mga kompanyang may interes sa aming Lupang Ninuno. Ang mga ito ay nagdudulot ng matinding hirap sa aming pamumuhay at kalagayan.
Ang aming buhay ay malalim na naka-ugat sa aming Lupaing Ninuno. Dito namin kinukuha ang aming mga pangangailangan sa araw-araw, at dito rin namin isinasabuhay ang aming tradisyon, kultura, pananampalataya at pamamahala bilang isang mamamayang Lumad.
Ang patuloy na pagwasak sa aming mga lupain sa pamamagitan ng malawakang pagmimina, pagtotroso/logging, plantasyon, rantso, at iba pang mga proyekto na pwersahang pumapasok sa aming mga lupain ay patuloy na pagwasak rin sa aming pamumuhay, pagkatao at kinabukasan ng aming mga susunod na salinlahi. Ito ay nagresulta sa pagkawala ng kontrol at soberenhiya ng mg katutubo sa kanyang lupaing ninuno at likas yaman.
Kami ay palagi at patuloy na naaapektuhan sa labanan ng gobyerno at mga rebolusyonaryong grupo. Ang aming mga lupaing ninuno ay nagiging lugar ng digmaan o battle ground sa pagitan ng mga pwersa ng gobyerno (AFP) at rebolusyunaryong grupo kagaya ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), Communist Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) at maging iba pang armadong grupo. Dahil sa kanilang tunggalian na karaniwang na-uuwi sa gyera, kami ay napipilitang mapatigil sa pagsaka at iwanan ang aming mga komunidad dahil sa takot na madamay sa kanilang digmaan. Kasama rin dito ang takot at pagkabahala ang pag re-recruit sa aming mga kabataan at kalalakihan ng mga armadong grupo.
Ang patuloy na karahasan sa aming pamayanan ay mas lalong nagpapahina ng aming sariling katutubong pamamahala. Marami sa mga kaguluhang ito ay nagsimula ng maliit sa loob ng pamayanan na kayang-kaya na sanang lutasin ng mga katutubong pinuno. Subalit ito ay ginagatungan at pinapalaki ng mga tinatawag na “support group” at dinadala sa paraan ng paglutas na hindi naaayon sa tradisyunal na nakasanayang paraan.
Ang IPRA ay batas na para sa amin, at dapat itong ipatupad upang aming matamasa at mapangalagaan ang buhay na aming nakasanayan na nakabase sa aming katutubong kultura, pananampalataya at pamamahala. Subalit hanggang ngayon ay hirap pa rin kaming matamasa ang mga karapatang ipinagkaloob ng IPRA.
Kadalasan, sadyang hindi sinusunod ang proseso ng pagkuha ng aming pahintulot sa paggamit sa aming mga lupain o angFree, Prior, and Informed consent (FPIC), sapagkat ayaw naming magpapasok ng mga proyektong nakakasira sa aming lupaing ninuo, o ng mga grupong ginagawang lugar ng gyera ang aming lupain lalo na ang mga kabundukan.
Dahil sa aming kagustuhang protektahan ang aming mga tribu, komunidad at lupaing ninuno at isulong ang aming karapatang pangalagaan at pagyamanin ang aming mga lupaing ninuno, kami at ang aming mga komunidad ay ginugulo, kinakasuhan, binabantaan, at pinapatay. Maliban dito, kami ay ipinagtutulakan pang miyembro o supporters ng mga armadong grupo kagaya ng NPAs, o kung hindi naman ay ng military o di kaya’y ng private armed groups.
Kayat ngayong anibersaryo ng pagkakatatag ng IPRA, ang batas para sa amin, kami ay nananawagan na:
1. Tigilan ang patuloy na militarisasyon sa aming mga komunidad at lupaing ninuno. Kami ay nananawagang lisanin ng mga armadong grupo lalo na ng New People’s Army, MILF, militar at ng mga private armed groups;
2. Itigil ang pag recruit sa mga lumad bilang kasapi ng New People’s Army at AFP at gawing Bagani (Pulang Bagani, Alamara, Bagani ng Militar). Ang Bagani ay katutubong pamamaraan ng pagprotekta sa katutubong pamayanan at sa mga taong nakatira sa ilalim ng pamumuno ng pinuno ng tribu. Itong tradisyunal na katutubong pamamaraan ay hindi dapat lapastanganin sa pamamagitan ng paggamit sa pangalan ng Bagani sa iba pang layunin maliban sa pinuprotektahan ang tribu at ang lupaing ninuno.
3. Respetuhin at kilalanin ang aming karapatan sa katutubong pamumuhay, kultura, pananampalataya at sariling pamamahala.
4. Magkarooon ng IP peace program ang Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) at ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) ay magkaroon ng peace program.
Para sa mga katutubo,
5. Ipagpatuloy at palakasin natin ang ating Indigenous Political Structure (IPS) o katutubong pamamahala at paglutas ng mga problema bilang mekanismo para sa proseso ng epektibong pag desisyon ng tribu;
6. Magkaroon nga pagtitipun ang lahat nga mga katutubong pamamahala at lider sa loob ng Mindanao para pag-usapan at makonsolida ang totoong konsepto at gamit ng mga Bagani para maiwasan na hindi magamit sa mga bagay na hindi naayon sa kanyang mga tungkulin.
7. Ipinapanawagan sa lahat ng mga katutubong mamamayan na manindigan at ibalik ang tiwala at kumpiyansa sa sariling pamumuno at kakayanan para maiwasan ang pagkawatak-watak at dominasyon ng taga labas na idolohiya.
Ito ay aming nilagdaan ngayong ika 18 taong anibersaryo ng IPRA bilang pagpapakita sa aming pagkakaisa at lakas.
Itigil ang Panunupil sa mga Katutubong Lider at Pamayanan!
Itigil ang Pang-aagaw sa aming mga Lupaing Ninuno at Likas-Yaman!
Hustisya para mga Pinaslang na mga Katutubong Lider!