Ako si Trapo Ko. Gwapito III.
Kumakanditado bilang gobernador ng Probinsya
Gwapito del Sur, anak ng dating Congressman. Dating Mayor rin ng aming
munisipyo, matapos mapalitan ng aking nakakatandang kapatid. Tumigil lang ako
saglit sa politika dahil nagkastroke ako, pero sa awa ng Diyos pinagaling niya
ako. Alam niyang kailangan ko pang maglingkod sa masa, at ngayon nagkalakas ng
loob akong kumandidato dahil sa tiwala na binigay sa akin ng mga tao.
Noong nakaraang taon, nagpaparamdam na ako (wag
kang maiingay ha?) sa gilid ng mga kalye. Naglalagay ng mga tarpaulin na
bumabati ng “Happy Graduation” sa mga nagtatapos, “Maligayang Pasko” naman
noong Disyembre. Katabi nga ng mga tarpaulin ko ang mukha din ng asawa ni
Senador Villar. Napapakinggan din ako sa lahat ng estasyon ng radyo sa probinsya.
Sabi nila premature campaign ang ginagawa ko pero wala namang masama sa
bumabati at sa nagpaparamdam. Bakit, may nakakaalam ba? Wala naman akong
nilalabag na batas ng COMELEC. Masaya na ako na kahit sa ganyang mga paraan
lamang ay mapasaya ko ang mga tao sa pamamagitan ng pagbati sa kanila.
Noong isang buwan nag organisa ako ng libreng
gamutan at tuli sa lahat. May kasali pang libreng dalawang kilong bigas at
tatlong lata ng sardinas. Nag-abot rin ako ng tulong sa mga nasalanta ng bagyo.
Pinangako ko sa kanila na kapag ako’y kakandidato at mananalo sa halalan,
marami akong gagawing proyekto para sa mahihirap. Tutulungan ko silang
maka-ahon sa kahirapan. Dadalhin ko sila sa tuwid na daan.. Matatapos na rin
ang kalsada na proyekto ko upang makadaan na ng maayos at ligtas ang mga
motorista. May pangalan ko pa nga sa gilid ng kalsada: DONATED BY: TRAPO
GWAPITO III.
Noong kasagsagan ng pagpaparehistro para sa
eleksyon, may inaabot akong pagkain sa mga taong pumipila sa COMELEC. Kawawa
nama sila, mahaba ang pila. Mainit diba? Kaya ‘yun, nagbigay din ako ng envelop
na may lamang papel. Pera yun. Ang pinakamaliit na naibigay ko ay 100php.
Natuwa din ang mga kabataan sa ginawa ko dahil natutulungan daw sila. Kahit sa
ganong paraan daw, may nakukuha sila nang walang hirap.
Sa makatuwid galing ako sa mayamang pamilya pero
nangingibawbaw pa rin yung interes ko para sa tao. Isa kami sa pinakamalaking
nagmamay-ari ng kalupaan sa Mindanao. “Landlord” ang tawag sa amin (hindi ko na
sabihin kung ilang hektarya, baka mabuko pa ng DAR). Binili na ng lolo ko sa
mga nitibo (IPs) ang lupa sa presyong sampung daang libo.
Nasa angkan at dugo na namin ang pamumulitiko.
Dating Congressman ang Lolo ko. Tumigil na siya sa pulitika dahil sa edad.
Pumalit sa kanya ang tito ko, at ngayon kakandidato siya muli bilang
congressman. Vice-mayor din ang asawa ko at matatapos na din ang termino niya
at papalit sa kanya ang kapatid kong si Epal Gwapito pagkaMayor. Kakandidato
din na pagkakonsehal ang isang anak at ang tita ko. Barangay Chairman ang isang
tito ko at nanalo ang anak niya bilang SK Chairman. Isang buong dynasty ang
nagsisilbi sa bayan. Naging tradisyon na sa pamilya ang pagpasok sa politika.
Kalabanin man ito ni Senador Mirriam Defensor-Santiago, nakasanayan na ito sa
Pilipinas. Kahit nga ang mga Cojuangco-Aquino.
Nagakapag-aral ako sa mamahalin at magandang
paaralan simula elementary hanggang kolehiyo. Subalit hindi ako nakatapos ng
kolehiyo. Hindi naman ito balakid para paglingkuran ko ang mga tao. Ang mahalaga
ay bang tunay na serbisyo na kinakailangan ng mga tao. Bukal sa loob kong
huminto sa pag aaral dahil nararamdaman kong oras na para pumasok sa pulitika.
Alam kong kailangan na ang isang katulad ko para maglingkod sa mga tao. Alam ko
naman na dito rin ang landas ko sa pamumulitiko. Wala namang batas na
nagbabawal sa pagtakbo ng mga hindi nakatapos. Kahit nga “no read, no write ka
pa” pwedeng kang tumakbo bilang presidente. May iilan ngang senador na hindi
marunong mag ingles at copy paste ang mga sinasabi sa kamara. Alam ko namang
alam niyo kung sino ang tinutukoy ko. May iilan ding senador na katagal tagal
na sa senado ay wala pang naisasabatas. Pero hindi yan ang pinupunto ko. Ang sa
akin ang kapangyarihan at kaban ang mahalaga. Hindi na yan uso sa mga politiko,
karamihan sa amin may mga personal na pakay. Nagpapabango lang ako sa publiko
para botohin.
Kasagsagan na pala ng kampanya. Kumakalat na ang
mga posters, flyers, tarpaulin, at iba pa. Nagsisimula na ding mangampanya ang
mga tatakbo gamit ang iba’t ibang stratehiya ng mga politiko. May iilang
politikong ginagamit ang media para sa pangangampanya. Nagsilabasan na ang mga
proyekto, mga donasyon, at mga programa para kunin ang tiwala ng masa. Gaya ko,
epektibo talaga ito.
At syempre, ang dating gawi. Mamimigay ako ng
pera sa darating na eleksyon. Maghahakot ng mga taong galing sa ibang lugar
para makaboto. At ang paborito kong buhayin ang mga patay para makaboto.
Titiyakin kong ako ang mananalo.
Muli, Halalan2013 na ngayong Mayo 10. Botohin na
ang mga karapat-dapat sa posisyon. Gamitin ang karapatang bomoto at makapili.
At pinapangako ko ang kaginhawaan sa buhay at paglutas ng kahirapan sa ating
probinsya.
Wag kaligtaang markahan ang bilog na hugis itlog
ni Trapo Gwapito III. Para sa tunay at tuwid na serbisyo!
_____________________
Reemar B. Alonsagay
Reemar B. Alonsagay
Political Student Student
Mindanao State
University, Marawi City
No comments:
Post a Comment