May 6, 2014
Alam namin na mahalaga ang Kapayapaan sa Kapuluan ng Mindanao. At higit sa lahat, MAHALAGA para sa lahat ang bawat KARAPATAN bilang mga pamayanan, komunidad atmamamayan.
Nakababahala amang na ang debate at diskurso sa usaping kapayapaan sa Mindanao ay nakasentro lamang sa mga partidong nag-uusap.
Ang bola ay nasa punong ehekutibo na ng Pilipinas at sa dalawang Batasang bahay ngPilipinas.
Subalit babalik pa rin ito sa mga komunidad upang mas pagtibayin matapos pumasa ang Bangsamoro Basic Law at itatag ang Pamahalaang Bangsamoro.
Huwag sanang ismolin.
Kahilingan natin sa mga mambabatas at kay Presidente Aquino na huwag niyang ismolin at balewalain ang karaingan ng mga Lumad gaya ng pag-ismol ng mga panels nung nasa negosasyon pa ang bola; at huwag igaya sa pagmaliit ng pamahalaan sa karapatanng mga manggagawa at mga maliliit. Huwag sana! Huwag pong ubusin ang mga nalalabing opsyong pwede pang makahinga na maluwag-luwag ang mga Lumad sa pagsusulong ng kanilang mga batayang Karapatan na nakabatay sa mga deklarasyong pandaigdig, pambansa at sangnilikha.
Kapayapaan na gumagalang at kumikilala sa bawat karapatan ng bawat pamayanan at komunidad ang balangkas na pilit isinisigaw ng maraming kilusan upang mas maging mapanaklaw at pang-matagalan ito, subalit tila mas nanaig ang eksklusibistang balangkas at pananaw ngayon.
Handang handa na ang mga mapanuklaw na oligarkiyang lokal at dayuhan upang lunukin ang kayamanang meron ang mga Bangsa sa Mindanao at mas madali nilang magagawa ito kung may agrabyadong seksyon ng Mindanao dahil may espasyo ang gatong sa pag-away-away.
Civil Society?
Mahalagang tampok naman ng mga usapang pangkapayapaan ang paglahok ng mga kilusang malawak at mga pormasyon dahil kahit papaano ay may puwang para sa diskurso ng mga maliliit at sibilyang mas apektado sa mga kaguluhan. Mahalaga ang papel ng mga malalawak na kilusang pangkapayapaan dahil tumatayo itong bantay, kritiko at tagasulong sa interes ng mga hindi nakaupo sa bangko ng nag-uusap. Masakit lang isiping kung ang diskurso ng mga kilusan ay hindi naaayon sa balangkas ng mga nag-uusap ay tatawagin agad na mga "sagabal sa kapayapaan", "spoilers", "evil whisperers" at kung anu-ano pang katawagan upang lalabas lang na hadlang ang mga opinyon at diskursong ito sa pagkamit ng kapayapaan sa Mindanao.
Subalit ang fund-driven na mga kilusang o mas sikat sa tawag na Civil Society ay nagmumukha na ngang mga prinsipal na aktor sa usapan at umaastang lehitimong representante ng mga komunidad na kahit sa ating pagsasaliksik at pakikisama sa mga komunidad Moro, Lumad o Pilipino man sa Mindanao ay hindi lubos na naintindihan kung ano ang pinag-uusapan, dahil hindi nga sila tunay na ginawang kalahok sa pag-uusap. Ang mga intelektwal at matatalinong aktibista ay tila nakalimot na sa kasaysayan at diwa ng CSOs, ito ay ang dalhin ang posisyon ngmga naisantabing hanay ng lipunan sa sentro ng pag-uusap/diskurso.
Leksyon ng Kasaysayan.
Ang pagmamay-ari ng kawastuhan ay inako na yata lahat ng mga nag-uusap para sa kapayapaan ng Mindanao. Bakit rin hindi pwedeng pakinggan at isama sa diskurso ang diskurso nila?
Tulad na lamang halimbawa ng diskurso ng mga Lumad na sa matagal na panahon sa loob mismo ng Autonomous Region of Muslim Mindanao ay hindi man lang nakatikim kahit katas ng Indigenous Peoples Rights Act? Na ang kahilingan lang naman sana ay gawing mas maliwanag sa usaping Bangsamoro ang kanilang pang-ekonomiya, pang-kultura, pampolitika at panghustisyang mga karapatan?
Kung natuto man ang Moro Islamic LiberationFront sa karanasan ng Moro National Liberation Front (1996 FPA), ay mas lalong natuto ang mamamayang Lumad sa karanasang iyon. Kung ang tawag sa kanila dati ay mga JOYRIDER sa bunga ng mga pag-uusap ay tila yata hindi ito totoo dahil ilang buhay rin ba ng Lumad ang naibuwis dahil sila ay nasa frontline din ng mga kilusang Moro? Ilang buhay rin ba ng mga Lumad na sibilyan ang nawasak hatid ng digmaan?
Mayroon pong pamayanan na ayaw sa gulo at gyera noon pa man bago dumating ang Islam at Kristiyanismo sa kapuluang tawag natin ngayon ay Mindanao. Bakit hindi ito ang gawing batayan ng kasaysayang binabatayan ng pakikibakang Moro?
Piyestang Todo-Todo.
Masaya ang mga korporasyon pati na ang pambansang pamunuan ng Pilipinas dahil andyan pa ang mga teritoryo ng mga Lumad na hanggang sa ngayon ay mayayaman pa rin. Sa ilalim ng pang-ekonomiyang balangkas ng pamahalaang Aquino ay sagarin na ang yamang likas at buksang buo sa mga Korporasyon ang mga teritoryong ito upang makalikom ng malakihang kita ang bansa – Public-Private Partnership. Kulang pa ba ang mga dinanas na kalamidad upang tigilan at baguhin na ang balangkas na ito? Kaya ayos lang din sa pamahalaang Aquino kung walang katiyakan ang kinabukasan at karapatan ng mga Lumad at kahit na batayang masang Moro sa usaping Bangsamoro dahil hindi naman talaga ito ang interes nila, mas interesado ito sa yamang andyan sa malawak na kalupaang ito.
KAPAYAPAAN ng Lahat.
Nais nating lahat ang KAPAYAPAAN at ito na yata ang pinaka-makabuluhang biyaya kung maisakatuparan. Hiling lang natin na itong KAPAYAPAAN ay hindi lang ng iilan kundi pangkalahatan at pangmatagalan.
Dahil kung ang mga puntong ito ay hindi mapagtuunan ngayon palang, ang bagong kasunduang ito ay ang mismong SPOILER sa KAPAYAPAANG hangad nating lahat.
Sa lahat ng mga komunidad, pamayanan at mamamayan mas may nakakabusog na sarap po ang pagkaing ating pinagtulong-tulungang inihanda at nakakatiyak tayong ligtas ito at sapat para sa lahat.
Pagsaludo at Pagkilala sa lahat ng mga tunay na nagsusulong ng tunay at makabuluhang KAPAYAPAAN!
Liga ng Makabagong Kabataan
Mindanao,Philippines
6May 2014
Email: lmkabataan@yahoo.com.ph
FB:Liga Ng Makabagong Kabataan
No comments:
Post a Comment