Wednesday, 30 April 2014

PAHAYAG NG LMK SA MAYO UNO

Reemar Alonsagay, kinatawan ng LMK-Ranao, nagbigay ng pahayag sa medya.


Sa kabila ng pahayag ng gobyerno na patuloy na lumalago ang ekonomiya ng bansa, malaking bahagi pa rin ng mamamayang Pilipino ang patuloy na dumadanas ng kahirapan, gutom, at kawalan ng trabaho. Bagkus, patuloy na tumataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa merkado kaakibat ang dagdagd pasanin na 12% EVAT sa bawat produktong binibili na ng mga mamamayan.

Dagdag pa, ang ipinagmamalaki ng kasalukuyang administrasyon na paglago ng ekonomiya ay hindi ramdam ng mga uring manggawagawa. Sa katunayan, ayon sa datus ng Social Weather Station (SWS) na inilabas noong Enero 2014, base sa nakaraang taon (2013), ang antas ng kawalan ng trabaho ay tumaas ng anim na porsyento. Mula sa 21. 5 %  sa 3rd quarter ng 2013, ito ay umakyat ng anim (6) na porsyento noong pinakhuling 3 buwan ng nasabing taon na umabot hanggang 27.5 porsyento o katumbas ng 12.1 milyong indibidwal na walang trabaho.

Ang mabilis na paglobo ng mamamayang walang trabaho ay nakaugat sa mga batas at sistemang dagdag pasakit sa mga manggagawa. Ilan dito ay ang sistemang kontraktwalisasyon at ang batas sa rasyunalisasyon ng sahod na mas nagpaigting sa hindi pagkakapantay-pantay ng sweldong tinatanggap sa pagitan ng mga manggagawa sa abante o maunlad at mahirap na rehiyon. Higit pa dito ay ang pagkaila ng gobyerno sa kahilingang dagdag na sahod.

Ang pag-unlad ng ekonomiya at paglobo ng kahirapan at kawalan ng trabaho ay isang malaking kontradiksyon sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon. Kung kaya’t sa lahat ng ito, higit na naapektuhan ang mga libu-libong kabataang nagtatapos ng kolehiyo na humaharap sa walang katiyakang pangako ng ipinagmamalaking kaunlaran.

Sa paggunita ng Pandaigdigang Araw ng Paggawa, ang Liga ng Makabagong Kabataan(LMK) ay nakikiisa sa panawagang: IBASURA ANG SISTEMANG KONTRAKWALISASYON AT ANG SISTEMANG REGIONALIZATION! PATI ANG SISTEMANG PRIBITISASYON NG LAHAT NG PAPUBLIKONG SERBISYO! DAGDAGAN ANG SAHOD NG MANGAGAWA AT DAGDAGAN ANG TRABAHO SA PILIPINAS!

Bilang pakikiisa, ang LKM ay lalahok sa protesta at patuloy na isusulong ang mga adhikain at adbokasiya upang ipagtangol ang mga naapi, mga kabataan at uring manggagawa sa bansa at buong mundo.

KABATAAN! LUMABAN ! MANINDIGAN! KUMILOS!

No comments:

Post a Comment