Pahayag ng Liga ng Makabagong Kabataan
November 17, 2016
“Bayaran, mangmang, bobo, walang alam sa kasaysayan,
yellowtards, at pasaway”. Dagdag na rito ang pahayag ni Communications
Secretary Martin Andanar na kami’y mga “temperamental brats” o mga barumbado.
Ito ang kabi-kabilang batikos na aming inani noong nagkilos protesta kaming mga
miyembro ng Liga ng Makabagong Kabataan (LMK) laban sa desisyon ng Korte
Suprema na ilibing si Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani noong November
9 sa Iligan at Marawi City.
Ito ba ang pangkalahatang pagtingin sa aming mga
kabataan ngayon? Kaming mga kabataan ay
nandirito upang ipahayag ang aming pagtutol sa pagturing sa amin na mga mangmang
at walang pakialam at sa patuloy na pagpapalaganap ng maling kaisipang ito sa
aming kapwa kabataan. Kaming bumubuo ng pinakamalaking porsyento ng populasyon
ng bansa ay ang syang may pinakamalaki ding papel sa pagpanday ng isang lipunang
may mataas na pagpapahalaga sa karapatan at katarungan.
Ang
paglahok namin sa nation-wide protest noong November 9 ay sya mismong pagganap
namin sa papel na ito: ang patuloy na
pag-aralan ang aming lipunan, mamulat sa mga karanasan at manindigan at kumilos
kasama ang iba pang mga mamamayan.
Simula
pa man noong 2002, ang LMK ay isinusulong na ang makatao at makatarungang pagbabahagi
ng pambansang yaman sa mga pangunahing serbisyong sosyal tulad ng edukasyon,
pangkalusugan, tubig, kuryente, pabahay at iba pa. Kung kaya’t nananatili
kaming tutol sa korapsyon, pandarambong, pandaraya at pag-abuso sa
kapangyarihan.
Sa
katunayan, malakas naming tinutulan ang dayaan sa 2007 election sa Iligan City.
Nang magkaroon ng pambansang krisis sa bigas noong 2008, kasama kami sa
nanawagan ng madaliang pamamahagi ng National Food Authority ng bigas sa mga
nagugutom. Nang nanalasa ang mga bagyong Sendong, Agaton at Yolanda, kasama
kami sa nanguna sa pagsiguro na ang karapatan at dignidad ng mga survivors ay
napangalagaan mula sa relief distribution hanggang sa rehabilitation. Nanguna
din kami sa pagtutol sa privatization ng Iligan Diesel Power Plant noong 2012.
Kami din ang nag-organisa ng 92-Kilometrong martsa protesta mula Lala, Lanao
del Norte hanggang Kiwalan, Iligan upang ipanawagan ang paghinto sa pagpapatayo
ng coal-fired power plant sa Iligan at Kauswagan, Lanao del Norte dahil sa
pangamba na ito ay magdudulot ng matinding kasiraan sa ating kalikasan at
kalusugan.
Kung
kaya’t mananatili kaming tutol sa paglibing sa diktador na Marcos sa libingan
ng mga bayani sapagkat ito ay pagkait ng hustisya sa mahigit 70,000 na
nakulong, 34,000 na natortyur at 3,240 na pinatay sa panahon ng martial law. Ito ay hindi lamang isyung politikal. Ito
rin ay usaping personal sapagkat karamihan sa mga kabataang nagprotesta ay mga
anak, apo at mga kamag-anak ng mga biktima ng martial law. Ang pagkait ng hustisya sa kanila ay pagkait
ng makatarungang lipunan para sa mga makabagong kabataan.
Hangga’t
walang hustisya, kami ay mananatiling lumalaban, naninindigan at kumikilos.
Rayyan Gonzales, Chairperson of LMK Iligan
Mobile Number: 09168632410 Email: lmkabataan@gmail.com