Ang pagkasira ng kalikasan ay malaking hamon para sa sangkatauhan at malaking banta sa kinabukasan ng mga kabataan. Ang malaking bahagi ng pagkasira dito ay dulot ng malawakang pagmimina sa iba't-ibang bahagi ng bansa lalong-lalo na sa mga lupaing ninuno ng mga katutubo na pinaniniwalaang mayaman sa likas-yaman, paggamit ng mga synthetic fertilizers sa produksyon sa agrikultura na mas inuuna ang ginansya kaysa sa kalusugan at kaligtasan ng mga mamamayan, malawakang plantasyon ng mga cash crops tulad ng rubber at oil palm na sumisira sa nutrisyon at kakayahan ng lupa na magpatubo ng malusog na pananim at sunud-sunod na pag-aproba at pag-operate ng mga coal-fired power plants sa Mindanao kahit na ito ang pinaka-maruming paraan ng pagkaroon ng power supply.
Ang lahat ng ito ay banta sa mga malilit na magsasaka na magkaroon ngdesenteng pamumuhay sa pagsasaka, sa mga katutubong nagpapahalaga sa kanilang lupaing ninuno at maging banta sa kalusugan at dislokasyon ng mga mamamayan.
Ang mga business investments na ibubuhos sa Mindanao lalong-lalo na sa ARMM ay dapat nakatuon sa pangmatagalang pangangailangan ng bawat tao at hindi sa ginansiya ng lokal na pamahalaan at iilan lamang.
Ang mining industry ay magbibigay ng oportunidad sa trabaho subalit panandalian lamang samantalang ang epekto nito sa pagkasira ng lupa, karagatan at hangin ay tatagal ng halos 500 taon.
Bilang pakikiisa sa mga 200 kabataang maglalakbay mula Upi, Maguindanao papuntang Cotabato City ngayong Nobyembre 28, 2015 sa EcoWALK: A Walk for Humanity and Environment, ang Kaagapay OFW Resource and Service Center, Incorporated ay nakikiisa din sa panawagang,
Magpatupad at magkaroon ng desente at pangmatagalang trabaho sa lokal!
Imbestigahan na ang mga illegal extractions ng lupa sa lupaing ninuno ng mga Teduray-Lambangian sa Maguindanao!
Ibasura ang Batas ng Pagmimina sa Pilipinas!
Tigilan na ang pagtaguyod ng coal-fired power plant! Itaguyod ang renewable energy resources!
Panahon na para magkaroon ng tamang desisyon para maprotektahan ang kalikasan at maipagpatuloy ang magandang kinabukasan ng mga kabataan!
Kaagapay OFW Resource and Service Center
27 November 2015
Cotabato City
No comments:
Post a Comment